Naglabas ng abiso sa publiko ang isa sa pinakamalaking ospital ng gobyerno sa bansa na Philippine General Hospital (PGH) na magtungo muna sa ibang pagamutan.
Ito ay matapos lumagpas na sa kapasidad ang bilang ng mga pasyenteng nasa emergency room ng ospital.
Ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng PGH at coordinator for public affairs, nasa 75 pasyente lamang ang kapasidad ng kanilang ER subalit umabot na sa mahigit 300 pasyente ang na-admit sa pasilidad, ito ay 400 porsyentong lagpas na sa kapasidad nito.
Bunsod nito, isinailalim ang ospital sa “Code Triage,” kung saan tanging mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon lamang ang tatanggapin
Ayon sa PGH, ang biglaang pagdami ng pasyente ay dulot ng masamang panahon, pagbaha, at mga sakit tulad ng leptospirosis, pulmonya, sepsis, at komplikasyon mula sa mga malalang sakit gaya ng diabetes at sakit sa puso at bato.
Dagdag pa rito ang mga pasyenteng galing sa ibang ospital na walang abiso sa kanilang paglipat.
Kaugnay nito, hinihikayat ng PGH ang publiko na magtungo muna sa ibang ospital kung maaari para mabigyan ng agarang serbisyong medikal na kinakailangan.