Patuloy na isinusulong ni Senate Committee on Health Vice Chairman, Senator Bong Go, ang kapakanan ng mga watchers o bantay ng mga pasyente sa mga ospital.
Dahil sa labis na sakripisyo ng mga pamilya at kaanak na nagbabantay sa kanilang mahal sa buhay, iginiit ng senador na dapat ding alagaan ang kanilang kalagayan, lalo na ngayong panahon ng taglamig kung saan tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit.
Ayon kay Go, asawa man, anak, pamangkin, o apo, handang magsakripisyo ang mga miyembro ng pamilya para sa kanilang may sakit. Kaya naman isang simpleng paraan ng pagkilala sa kanilang sakripisyo ang pagtatayo ng halfway house o mga lugar na maaaring pagpahingahan ng patient watchers.
Dagdag pa ng senador, malaking bahagi ang ginagampanan ng watchers sa mabilis na paggaling ng mga pasyente. Hindi na sana sila humihiga o nagpapahinga kung saan-saan, gaya ng bangketa o sahig ng ospital.
Sa ngayon, ilang halfway house o watcher’s hall na ang naitatag sa bansa, kabilang na ang sa Philippine General Hospital sa Maynila at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Kamakailan, personal na binisita ni Senator Bong Go ang mga naturang pasilidad upang kamustahin ang kalagayan ng mga bantay ng pasyente.
















