Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Melencio Nartatez Jr. ang manhunt operation laban sa mga suspek sa likod ng dalawang insidente ng pamamaril sa dating beauty queen sa Isabela at isang electric cooperative official sa Oriental Mindoro.
Sa isang statement, nagpahayag ng mariing pagkondena ang hepe ng pambansang pulisya laban sa naturang mga krimen at tiniyak na kanilang tutukuyin at aarestuhin ang lahat ng sangkot sa dalawang insidente ng pagpatay para makamit ang hustisiya at rule of law.
Matatandaan, noong gabi ng Biyernes, binaril ang 32 anyos na guro at Miss Philippines Earth 2013 first runner up na si Lullete Jane Ramilo-De Guzman sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Cabaritan sa San Manuel, Isabela.
Nag-alok na rin si San Manuel Mayor Faustino Dy IV ng inisyal na P50,000 pabuya mula sa kaniyang sariling bulsa para sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon na magreresulta sa pagkakadakip ng mga salarin.
Sa hiwalay na insidente sa pareho ding araw sa Oriental Mindoro, nasawi ang 64 anyos na electric cooperative official na si Tony Mendeja.











