-- Advertisements --

Mayruong posibilidad na maghain muli ang Kamara ng panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Pebrero ng susunod na taon sa pagtatapos ng one-year bar rule.

Ito ang pananaw ni House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon sakaling panindigan ng Korte Suprema ang naunang ruling na nagdedeklara sa Articles of Impeachment bilang unconstitutional.

Sinabi ni Ridon na tiyak na interesado pa rin ang mga kongresista na mag-refile ng impeachment anuman ang mode o pamamaraan, kung dadaan man sa Committee on Justice o automatic transmittal mula sa plenaryo.

Bagama’t maaga pa para masabing kailangang sundin ang mga bagong rekisito na itinakda ng Korte Suprema, pinakamahalagang tanong pa rin ay kung kailangan bang may managot sa usapin ng confidential funds at pagbabanta sa matataas na opisyal ng bansa.

Ayon kay Ridon handa niyang suportahan o iendorso ang impeachment complaint sakaling maihain lalo’t wala namang bago sa mga ebidensya at kung mananatili naman ang paninindigan ng liderato ng Kamara.

Inaasahan naman ni Ridon na kung kakatigan ng Kataas-taasang Hukuman ang motion for reconsideration ng Kamara ay tatalima ang Senado dahil sila na mismo ang gumigiit na mahalagang igalang ang high tribunal.

Para kay Ridon ma nakabuti umano na archived lang ang Articles of Impeachment kahit marami ang sumisigaw ng hustisya lalo’t hindi naman ito tuluyang pinatay kundi itinabi muna at maaaring buhayin kapag binaligtad ng Korte ang ruling.