-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ng Kamara de Representantes ang alegasyon na ito’y kumilos nang may masamang layunin sa paghahain ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, at iginiit na bawat hakbang na ginawa ay alinsunod sa Saligang Batas, sa internal rules ng Kamara, at sa umiiral na jurisprudence.

Inihayag ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na patuloy ang position ng House of Representatives at lahat ng naging aksiyon ng Kamara patungkol sa paghahain ng Articles of Impeachment laban kay VP Sara Duterte ay naaayon sa mga alituntunin ng Saligang Batas, sa internal rules ng House at sa prevailing jurisprudence.

Paglilinaw pa ni Abante na kinilala mismo ng kamakailang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Vice President Duterte na sinunod ng Kamara ang itinakdang panahon sa ilalim ng Saligang Batas.

Ayon pa kay Abante, ang tanging pinagkaiba ng desisyon ng Korte Suprema sa Duterte case ay ang “maling pagtingin” nito sa mga katotohanan batay sa aktuwal na rekord ng Kamara.

Naglatag naman si Atty. Antonio Bucoy ng malinaw at detalyadong paliwanag sa legal na batayan upang pabulaanan ang alegasyon ng bad faith, at iginiit na ang buong proseso ay lubos na nakaayon sa Saligang Batas at umiiral na jurisprudence.

Ipinaliwanag din ni Bucoy ang kasong Francisco v. House of Representatives noong 2003, kung saan sinabi ng Korte Suprema na isang impeachment lang ang puwedeng isampa laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.

Nilinaw din dito na nagsisimula lang ang proseso kapag naipasa ang verified complaint sa House Committee on Justice, at hindi agad sa oras ng paghahain nito.

Layunin ng nasabing ruling na pigilan ang pang-aabuso sa pulitika sa pamamagitan ng sunod-sunod o harassing complaints.

Ipinunto ni Bucoy na ang unang tatlong reklamo laban kay Duterte ay naisama sa Order of Business sa loob ng itinakdang 10 session days ngunit hindi kailanman naipasa sa Committee on Justice.

Bago pa man umusad ang anumang proseso, naisampa ang ikaapat na reklamo na nilagdaan ng 215 miyembro katumbas ng mahigit one-third ng buong Kamara na, alinsunod sa Konstitusyon, ay awtomatikong itinuturing na Articles of Impeachment.

Sinabi ni Bucoy na ang ikaapat na reklamong ito ang nagpatakbo sa impeachment process at sa one-year bar rule, at dahil dito, hindi kailanman itinuturing na “initiated” ang unang tatlong reklamo, kaya walang naganap na pang-aabuso sa proseso.

Dagdag pa ni Bucoy, sabay-sabay na hinarap at isinailalim sa proseso ang lahat ng apat na reklamo, bagay na ganap na nasa kapangyarihan ng Kamara at tugma sa umiiral na jurisprudence.