-- Advertisements --

Bilang pagtugon sa panawagan ng paglilingkod sa bayan, agad na inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tauhan upang magbigay-tulong at suporta sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng Tropical Depression Verbena .

Ito ay isang agarang aksyon na isinagawa bilang pagsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong siguruhin ang kaligtasan ng bawat mamamayan at protektahan ang publiko mula sa posibleng panganib na dulot ng pananalasa ng bagyo.

Sa partikular, ang Police Regional Office-Negros Island Region, kasama ang Police Regional Office (PRO) 7, ay agad na kumilos upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa paglilikas ng mga residente mula sa mga lugar na lubhang nanganganib dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Ang PRO 7 ay nakaranas ng matinding pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa kanilang nasasakupang lugar, kaya’t kinailangan ang agarang pagresponde upang iligtas ang buhay ng mga mamamayan.

Ayon kay PNP acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., ang pagtutulungan at pagkakaisa sa pagitan ng Pulisya, ng mga lokal na pamahalaan, at ng mismong mga komunidad ay lubhang mahalaga upang maabot ang adhikain na “zero casualty” o walang masawi dahil sa bagyo.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbabayanihan sa panahon ng kalamidad upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.