Nag-utos si Philippine National Police (PNP) acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Huwebes, Nobyembre 27, na tugisin at arestuhin ang mga suspek sa walang-habas na pagpatay sa isang kapitan ng Digos City, Davao del Sur.
Kinilala ang biktima na si Oscar Bucol Jr., alyas “Dodong” na kapitan ng Barangay Tres de Mayo
Nabatid na pinatay ang biktima habang ito ay naka-live sa kanyang social media account noong Martes, Nobyembre 25.
Ibinahagi ni Oscar sa live na nakakatanggap umano siya ng mga banta sa kanyang buhay, gayundin ang kanyang posisyong politikal na suportado niya si Davao del Sur Governor Yvonne Cagas at pagbatikos sa ilang politiko sa Digos City at Sta. Cruz.
Makikita sa footage ang pamamaril sa kanya at duguan itong bumagsak habang humihingi ng tulong. Dead on arrival naman ang biktima.
Mayroong dalawang milyong pabuya sa kung sino man ang makapagbibigay ng mga impormasyon na makakatulong sa agarang pag-aresto ng mga suspek.
Nagsimula na ang manhunt at ayon kay Nartatez, inutusan na niya ang mga operatiba na habulin ang bawat lead at gawin ang lahat upang matukoy ang lokasyon at maaresto ang mga may sala.
















