Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi na mauulit pa ang nangyaring pamamaril patay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Ang katiyakan ay ibinigay ng PNP sa League of Cities of the Philippines (LCP) at sinigurong mas magiging transparent and accountable ang PNP sa lahat ng kanilang police operations.
Binigyang-diin ni PNP Deputy Chief for administration Lt Gen. Guillermo Eleazar na ang insidente sa Calbayog ay hindi makaka-apekto sa relasyon ng PNP at ng mga local executives.
Sa ngayon kasi gumugulong pa rin ang imbestigasyon ng SITG Aquino.
Napansin kasi ng League of Cities in the Philippines (LCP) ang tinamong gunshot wounds ni Mayor Aquino na malinaw na ginamitan ng excessive force.
Kanina dumalo sa virtual dialogue ng LCP si Eleazar na pinangunahan ni Bacolod City Mayor Evelio Leonardia.
Ipinaabot ng LCP sa PNP na kanilang kinondena ang pagpatay kay Mayor Aquino at hiniling na magkaroon ng hakbang para hindi na maulit pa ang kahalintulad na insidente.
Welcome naman para kay Eleazar ang nasabing dialogue ng sa gayon maibalik ang kumpiyansa ng local government executives sa police force.
Sa kabilang dako, personal naman nagtungo sa kampo Crame si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dating PNP deputy chief for administration para sa face to face dialogue sa PNP.
Nilinaw ni Eleazar na walang polisiya ang PNP na gumamit ng excessive force laban kaninuman, lalo na sa mga public servants gaya ng alkalde.
Sa nasabing pamamaril, tatlong pulis din ang nasawi bukod kay Mayor Aquino.