-- Advertisements --

Nagpahayag ngayon ang PNP ng pagsuporta sa magiging bago police chief na si Lieutenant General Rodolfo Azurin Jr.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police BGen Roderick Alba na makakaasa si Azurin sa suporta ng 226,000 na tauhan ng PNP.

Ayon kay Alba, tiwala sila na sa pamumuno ni Azurin, maipagpapatuloy ang kampanya ng PNP nang may integridad at kredibilidad sa pagprotekta sa mga mamamayan.

Oras na pormal na umupo si Azurin ang magiging ika-28 na PNP Chief.

Si Azurin ay mula sa Philippine Military Academy (PMA) “Makatao” Class of 1989.

Sa kasalukuyan, si Azurin ay commander ng Northern Luzon Police Area na kinabibilangan ng Region 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Dati rin siyang commander ng Southern Luzon Police Area na kinabibilangan ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Region 4-A o Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) at Region 4-B at Bicol Region (Region 5).

Naging brig. general ito sa kanyang posisyon sa Camp Crame bilang director of the Directorate for Comptrollership (DC) maging ang Directorate for Information and Communication Technology Management (DICTM).

Bilang bagong promote na police general, nagsilbi rin si Azurin na director ng Maritime Group at regional director ng Police Regional Office 1.

Noong middle-grade police officer naging provincial director ng Benguet Province si Azurin.

Nagsilbi rin itong Chief Task Force Limbas ng Highway Patrol Group (HPG) at naging Deputy Operations Officer of Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).

Noong junior officer ito, nadestino siya sa iba’t ibang field units at offices kabilang na ang 1st Special Action Company sa Parang, Maguindanao; 231st Philippine Constabulary (PC) Company sa Quezon Province; Police Aviation Security Command na ngayon ay Aviation Security Group (AVSEG); Criminal Investigation Service Command na ngayon ay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG); Office of Internal Security (OIS); Department of Interior and Local Government (DILG); Health Service; Police Community Relations Group na ngayon ay ang Police Community Affairs and Development Group (PCADG) at Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).

Ipinanganak si Azurin noong April 24, 1967 sa Paniqui, Tarlac pero lumaki ito sa La Trinidad, Benguet

Ikinasal ang heneral kay Mary Grace Lino and at mayroong tatlong anak na si Martin, Ninna at Aaron.

Siya ay magreretiro sa April 24, 2023.