-- Advertisements --

Hihilingin ni Senate President Tito Sotto III kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na i-certify bilang urgent ang Senate Bill 1215 o ang Independent People’s Commission upang mapabilis ang pagpasa nito sa Kongreso.

Ipinaliwanag ni Sotto na titiyakin ng panukala na ang Executive Order ng Pangulo na lumilikha ng IPC ay magpapatuloy at magiging ganap na batas.

Hindi lamang aniya pansamantalang solusyon ang Independent People’s Commission kundi isang institusyonal na mekanismo na magbabantay at pipigil sa pag-ulit ng mga katiwalian sa hinaharap.

Dagdag pa niya, hindi lamang sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) tututok ang IPC kundi pati sa iba pang ahensya na may kinalaman sa mga programang pang-imprastruktura gaya ng Department of Agriculture, Department of Health, Department of Education, at iba pa.

Hindi lang aniya sa mga kalsada at tulay nagaganap ang korapsyon kundi pati sa farm-to-market roads, mga ospital, at paaralan. 

Kaya’t mahalaga aniya ang panukalang batas na ito dahil pinangangalagaan nito ang buwis ng taumbayan at tinitiyak na tunay na napakikinabangan ng publiko ang mga proyekto.

Makatutulong din aniya ito sa pagbabalik ng tiwala ng mamamayan, sa pagprotekta ng pondo ng bayan, at sa pagtitiyak na ang mga proyekto ng pamahalaan ay maisasagawa nang tama at tunay na pakikinabangan ng mga Pilipino.