Gumawa ng dominanteng performance ang Team Italy matapos nitong i-dispatsa ang team Algeria sa nagpapatuloy na FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Ang Team Italy ang nagsisilbing defending champion sa naturang turneyo.
Naging madali ang panalo ng naturang team, sa pamamagitan ng dominanteng laro, 25-13, 25-22, 25-17. Umabot lamang sa isang oras at 19 mins ang naturang laban bago tuluyang matapos.
Pinangunahan ni Alessandro Michieletto ang defending champion at gumawa ng 15 points habang 13 points naman ang ambag ni Mattia Bottolo.
Halos hindi makabangon ang Team Algeria lalo na sa service line, kung saan gumawa ang Italian team ng pitong aces habang walang naisagot ang mga Algerian sa dominanteng service ng defending champion.
Ang Team Italy ay nasa ilalim ng Pool F kasama ang Belgium, Ukraine, at Algeria.