Nananatiling malakas ang Tropical Storm Jangmi kahit bahagyang bumagal ang kilos nito habang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa state weather bureau.
Batay sa weather bulletin ng weather bureau huling namataan ang bagyo sa tinatayang 1,195 kilometro silangan ng Eastern Visayas bandang alas-3 ng madaling araw Mayo 28.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 km/h malapit sa sentro, pagbugsong aabot sa 80 km/h, at central pressure na 1000 hPa.
Kumikilos ang bagyo pa-north northwest sa bilis na 20 km/h at inaasahang magpapatuloy sa ganitong direksyon hanggang pumasok ito sa PAR sa Huwebes ng gabi o Biyernes ng umaga, Mayo 29.
Kapag pumasok sa bansa, tatawagin itong bagyong “Domeng.”
Ayon sa PAGASA, posibleng magpatuloy ang pag-akyat ng lakas ng bagyo at maaaring umabot sa typhoon category pagsapit ng Sabado, Mayo 30.
Inaasahan din ang peak intensity nito sa pagitan ng Sabado at Linggo, Mayo 31, habang nasa Philippine Sea, bago unti-unting humina.
Gayunpaman, sinabi ng weather bureau na “less likely” nang tumama sa lupa ang bagyo sa bansa dahil sa pagbabago ng forecast track.
Bagama’t bumaba ang posibilidad ng Tropical Cyclone Wind Signal sa Extreme Northern Luzon, nagbabala ang PAGASA sa posibleng katamtaman hanggang maalon na karagatan sa mga baybayin ng hilagang Luzon ngayong weekend, at posible rin ang gale warnings.
















