Hindi pa rin direktang masagot ng kampo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung susunod ang senador sa proseso at haharapin ang mga paratang kung sakaling hindi maging paborable ang desisyon ng Supreme Court sa main issue ukol sa warrant na inilabas ng International Criminal Court laban sa kanya.
Ayon sa legal counsel ni Dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc, malayo pa sa kanilang iniisip ang ganitong posibilidad.
Giit pa ng bagitong abogado, umaasa pa rin ang kampo ng senador na hindi hahantong sa desisyong papayag ang Supreme Court ng Pilipinas sa pagpapatupad ng foreign warrant.
Aniya, bagama’t posibleng mangyari ang anumang desisyon dahil Korte Suprema ang magpapasya, haharapin nila ito kapag dumating na sa puntong iyon.
Una nang naglabas ng desisyon ang SC ukol sa hiling ng senador na temporary restraining order laban sa posibleng pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Ngunit naninindigan ang legal team nito na ang main issue ay hindi pa nadedesisyunan – ito ay ang katanungan ukol sa kung kailangan ng Philippine judicial authority para i-authenticate o kumpletuhin ang warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Una na ring tinawag ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na palpak ang diskarte ng legal team ng dating senador dahil dapat ay writ of habeas corpus sana ang inihain sa SC, sa halip na certiorari at petition para sa Temporary Restraining Order (TRO). (Report by Bombo Jai)
















