-- Advertisements --

Inihayag ng Sandiganbayan na submitted for resolution na ang hiling ng Office of the Ombudsman para sa precautionary hold departure order laban kay Senador Rodante Marcoleta, dating Quezon City Rep. Michael Defensor, at dalawang negosyante kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations.

Ayon sa Ombudsman, may posibilidad umanong umalis ng bansa si Marcoleta dahil sa kanyang impluwensiya at kakayahang pinansyal.

Giit pa nito, ang hindi umano paglalagay ng P75 milyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ay nagpapakita ng “tendency to conceal illegality.”

Dagdag ng mga imbestigador, hiwalay ang kanilang imbestigasyon sa naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec), na naunang naglinis kay Marcoleta sa election offenses ngunit nagrekomenda ng reklamo laban sa mga umano’y donors.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng preliminary investigation ang kaso, at binigyan ang mga respondent ng 15 araw para magsumite ng kanilang counter-affidavits.