Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging ligtas ang pagboto ng mga mamamayang pilipino sa araw ng halalan sa darating na Lunes.
Ito ang ipinangako ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa publiko na siya namang sisiguruhin ng kanilang hanay simula ngayong araw.
Ani Marbil, walang kailangan ipangamba ang publiko dahil andito aniya ang hanay ng kapulisan na nakahandang magprotekta sa kanila pati na sa kanilang mga boto sa araw ng halalan.
Pagtitiyak din ng hepe, nakafull-force deployment na ang kanilang hanay simula ngayong araw upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa buong bansa ilang araw bago ang botohan.
Batay din aniya sa nakalap nilang datos mula sa kanilang isinagawang survey, 19% na mga pilipino ang naniniwala na malaki ang magiging gampanin ng PNP para sa isang matagumpay na eleksyon ngayong taon.
Pagsisiguro rin ni Marbil, ligtas na makakarating at makakauwi ang mga botante bago at matapos silang bumoto at titiyakin ring nasa ligtas na mga kamay ang pagiging sagrado ng kanilang mga balota.
Samantala, nagumpisa naman ngayong araw ang full force deployment ng PNP kung saan nasa 163,621 na mga kapulisan ang ipapakalat sa buong bansa para sa halalan ngayong taon.