Nananatiling blangko ang Police Regional Office (PRO)-3 kaugnay sa pananambang sa isang pulis sa Capas, Tarlac nitong Martes ng umaga.
Sa nasabing insidente, pinaulanan ng bala ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang sasakyan ni PSsg. Mike Maun na naka-assign sa PNP (Philippine National Police) Aviation Group sa Clark, Pampanga.
Ayon kay PNP-PRO-3, director B/Gen. Val De Leon, lahat ng posibleng anggulo ay kanilang iniimbestigahan at nagsasagawa rin sila ng tinatawag na backtracking investigation hinggil sa mga nakalipas na assignment ni Maun.
Kabilang sa posibleng motibo na tinitignan ng PNP ay ang hidwaan o away sa trabaho, away sa kapitbahay o love triangle.
Sa ngayon hindi pa rin tukoy ang identity ng dalawang suspek na walang habas na pinagbabaril si PSsg Maun.
Inalerto na ni De Leon ang mga pulis na nagmamando ng mga checkpoint sa buong Region 3 para maiwasan na maulit ang ambush.
Hinimok din nito ang mga kamag-anak o kaibigan na magbigay ng impormasyon kung may nalalaman ang mga ito para sa ikalulutas ng kaso.
Siniguro naman ng heneral na gagawin nila ang lahat ng makakaya para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Maun.