-- Advertisements --

Pitong tao ang naiulat na nawawala matapos ang isang malakas na pagsabog at sunog na sumira sa isang commercial fireworks facility sa Esparto, isang rural city sa Nothern California.

Hindi pa tiyak kung ang mga nawawala ay mga empleyado o sibilyan.

Maalalang naganap ang pagsabog noong Martes ng gabi, tatlong araw bago ang pagdiriwang ng Independence day ng Estados Unidos.

Ayon sa mga opisyal, sumiklab ang malaking apoy at sunod-sunod na maliliit na pagsabog, na pinaniniwalaang mula sa mga nakatagong paputok sa lugar.

Nasunog rin ang tinatayang 78 ektarya ng kagubatan at taniman sa paligid ng gusali.

Ayon kay Fire Chief Curtis Lawrence, delikado pa ring pasukin ang lugar dahil sa patuloy na pagsabog ng mga natitirang paputok.

Gumagamit ng drones at aircraft ang mga awtoridad para sa mas ligtas na pagsisiyasat.

Samantala nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng State Fire Marshal’s Office ukol sa insidente, gayundin ang paglalagay ng evacuation zone sa paligid ng lugar at halos 150 kabahayan naman at sakahan ang nawalan ng kuryente.