Kinansela ng Hong Kong ang tradisyunal na New Year’s Eve fireworks display sa Victoria Harbour bilang paggalang sa mga biktima ng malagim na sunog noong Nobyembre na ikinasawi ng 161 katao, ang pinakamalalang sunog sa lungsod sa mga nakalipas na dekada.
Sa halip na fireworks, nagsagawa na lamang ang pamahalaan ng music show sa Central at tatlong minutong light show sa walong pangunahing landmark.
Ayon kay Culture, Sports and Tourism Secretary Rosanna Law, aminadong maaapektuhan ang ilang hotel at restaurant, ngunit iginiit niya na mahalaga ang pagpapakita ng paggalang sa mga nasawi.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na kinansela ang naturang tradisyon tuwing bagong taon sa HK, matapos ding makansela ang fireworks noong mga nakaraang taon dahil sa mga trahedya, 2019 protests, at COVID-19 pandemic.















