Ipinaliwanag ni Atty. Kristina Conti, assistant to counsel sa International Criminal Court (ICC), kung bakit pinangalanan ang walong kasalukuyan at dating opisyal sa Document Containing the Charges (DCC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Conti, hindi maipapaliwanag nang buo ng prosekusyon ang umano’y mga krimen ni Duterte kung hindi mababanggit ang mga taong sinasabing kasama sa pagpapatupad ng tinatawag na “common plan.”
‘CO-PERPETRATOR’ HINDI KATUMBAS NG ‘CO-ACCUSED’
Sa mas kaunting redacted na bersyon ng DCC na inilabas sa ICC website noong Pebrero 13, pinangalanan bilang co-perpetrators ang walong opisyal, kabilang sina Senator Ronald ”Bato” dela Rosa at Christopher Lawrence ”Bong” Go.
Gayunman, nilinaw ni Conti na ang pagiging “co-perpetrator” ay hindi awtomatikong nangangahulugan na sila ay kinasuhan na o may warrant of arrest.
Ipinaliwanag niya pa ang pagkakaiba ng tatlong termino kung saan aniya na ang ”Co-conspirator” ay may umiiral na malawakang sabwatan kung saan may malinaw na kasunduan.
Habang ang ”Co-perpetrator” naman ay taong nakilahok sa krimen bilang bahagi ng isang shared plan, alinsunod sa Article 25(3)(a) ng Rome Statute, kabilang ang indirect co-perpetration kung saan direkta itong nakilahok kahit wala ito sa pisikal na lugar ng krimen.
Liban dito ang ”Co-accused” ay isang pormal na taong kinasuhan at may warrant of arrest nang inihain.
Sa kasalukuyan, si Duterte lamang ang may ganitong status batay sa mga available na impormasyon.
MGA PARATANG SA ‘COMMON PLAN’
Sa DCC, inilarawan ng prosekusyon ang umano’y “common plan” upang targetin ang mga pinaghihinalaang drug users at pushers, pati na ang mga petty criminals at street children sa Davao City.
Nang maging pangulo si Duterte noong 2016, sinasabing lumawak ang sistemang ito sa isang “National Network” na binubuo ng mga law enforcement authorities at iba pang state-linked actors.
Maalalang nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng kasong crimes against humanity kaugnay ng hindi bababa sa 76 pagpatay na iniuugnay sa kanyang anti-drug campaign bilang alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng Pilipinas.
CONFIRMATION OF CHARGES HEARING
Isasagawa ang confirmation of charges hearing mula Pebrero 23 hanggang 27 sa harap ng Pre-Trial Chamber I ng ICC. Dito, kailangang patunayan ng prosekusyon na may substantial grounds upang paniwalaang nagawa ni Duterte ang mga krimeng ibinibintang laban sa kanya.
Maghahain naman ng counter-arguments ang kanyang defense team.
Noong araw ding inilabas ang DCC, pinayagan ng Pre-Trial Chamber ang 500 karagdagang biktima na lumahok sa kaso, kaya’t umabot na sa higit 539 ang kabuuang bilang ng mga lalahok na biktima.
Nauna nang nagpasiya ang ICC na si Duterte ay fit to stand trial.
Samantala, nananawagan ang ilang human rights groups para sa agarang pag-aresto sa mga tinukoy na co-perpetrators, habang iginiit ng ICC na ang korte ay nakatuon lamang sa mga itinuturing nitong “most responsible,” alinsunod sa prinsipyo ng complementarity.
















