Tuluyan nang kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na mayroon nang suspek sa pagpatay sa alkalde ng Buenavista, Bohol.

Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, nagbigay na ng salaysay ang isa sa mga testigo sa krimen na bodyguard ni Mayor Ronald Tirol, kung saan sinabi nito na ang isa sa mga suspek ay siya ring salarin sa hiwalay na ambush attempt sa alkalde noong 2014.

Sinabi ni Albayalde, batay sa impormasyon na ipinarating sa kaniya, may pagkakakilanlan na ang isa mga suspek subalit tumanggi itong pangalanan dahil may ongoing operation laban sa mga ito ang Buenavista police.

Tikom naman ang bibig ni Albayalde kung may kaugnayan sa pulitika ang pagpatay sa alkalde.

Aniya, alam na ng regional police director sa lugar ang kaniyang gagawin lalo na ang pagtutok sa mga kaso ng patayan na kinasasangkutan ng mga prosecutors, elected at government officials.

Giit ni PNP chief, mahigpit ang kaniyang direktiba sa mga regional, provincial, at city directors na resolbahin ang mga nangyayaring patayan sa kanilang mga areas of responsibility.