-- Advertisements --

Tumaas ang foreign direct investments (FDI) na pumasok sa Pilipinas noong Abril 2025, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nagtala ng pinakamataas na antas sa loob ng tatlong buwan.

Ayon sa BSP, umabot ito sa $610 million —ang net FDI inflows noong Abril, mas mataas kumpara sa $498 million noong Marso at $570 million noong Abril 2024.

Ito na rin ang pinakamataas mula Enero ngayong taon, na may $731 million.

Ang pagtaas ay dahil sa mas malaking pumasok na puhunan sa anyo ng debt instruments, na tumaas ng 24.3% ($522 million), at reinvestment of earnings na tumaas ng 3.3% ($84 million).

Samantala, bumagsak naman ng 94.1% ang net investments sa equity capital (hindi kasama ang reinvested earnings) sa $4 million mula $86 million noong nakaraang taon.

Ang mga equity placements noong Abril ay nagmula sa Japan (32%), U.S. (18%), Singapore at South Korea (13% bawat isa), at Taiwan (9%). Karamihan sa mga ito ay napunta sa manufacturing (47%), finance at insurance (16%), at real estate (16%).

Sa kabuuan, ang year-to-date FDI inflows mula Enero hanggang Abril ay nasa $2.371 billion — mas mababa ng 33.4% kumpara sa $3.560 billion sa parehong panahon noong 2024.