Sinampahan na ng kasong homicide ang isang lalaki matapos sinaksak-patay ang live-in partner nito noong Mayo 30, sa Brgy. Botong, bayan ng Valencia, Bohol.
Nakilala ang biktima na si alyas Marisol, 33 anyos habang ang suspek ay kinilalang si alyas Mario, 47 anyos at may 4 na mga anak na pawang menor de edad.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMSg Renie Neneria, investigator ng Valencia Police station, sinabi nito na sumuko sa mga opisyal ng barangay ang suspek bago itinurnover sa pulisya.
Batay pa sa kanilang imbestigasyon, binabantayan ng 11 taong gulang na anak ang kanyang ama na parang hindi mapakali at makatulog.
Sinabi pa ni Neneria na bigla nalang umanong sinaksak sa dibdib ang biktima gamit ang isang bolo knife na tinatayang 16½ pulgada ang haba.
Sinubukan pa umano nitong lumaban ngunit muli itong sinaksak kaya nagtamo ito ng dalawang tama sa dibdib na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Batay naman sa medical findings, ang sanhi ng kamatayan ay Severe Hemorrhage secondary to Multiple Stab Wounds.
Aniya, inamin pa ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil pa sa matinding pagseselos matapos makarinig ng mga sabi-sabi na may iba na ang live-in partner nito.
Paglilinaw pa ni Neneria na hindi naman lasing ang suspek nung mangyari ang pananaksak at wala din umano itong dating record ng anumang pananakit.
Labis pa umano itong nagsisisi sa nangyari at handa pa siyang panagutan ang ginawang krimen.
Sa kasalukuyan,nasa kustodiya ng Valencia Police Station ang suspek para sa tamang disposisyon at legal na proseso.
Panawagan naman ni Neneria sa publiko lalo na sa mga seloso at selosa na dapat munang kumpirmahin ang mga sabi-sabi at iwasang ilagay sa kamay ang batas upang hindi ito pagsisisihan sa huli.