Nagpapatuloy ngayon ang isinagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo ng pamamaril sa Brgy. Sawang, bayan ng Dimiao, Bohol na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang indibidwal.
Nangyari ang insidente kahapon, Hulyo 9.
Nakilala ang biktimang mag-asawa na sina Dominic Maguyon, isang municipal accountant at Letecia Maguyon, isang business owner at parehong 56 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PMSgt Boy Duaves Lapore, assistant investigator ng Dimiao MPS, sinabi nito na batay sa kanilang imbestigasyon, posibleng binaril muna ni Dominic sa ulo ang kanyang asawa bago naman kinitil ang sarili nitong buhay.
Sinabi pa ni Lapore na naabutan nalang ng mga rumespondeng pulisya na nakahandusay na sa sahig ang katawan ng dalawa, duguan at wala ng buhay.
Dead on the spot pa ang mga ito matapos nagtamo ng tig-iisang tama ng bala sa ulo kung saan natagpuan naman sa tabi ng lalaking biktima ang calibre .45 na ginamit na armas.
Patuloy pa umano ang kanilang pangangalap ng mga ebidensya at mga witness, ngunit isa sa kanilang tinututukan ay ang depresyon bilang posibleng dahilan sa pagkitil ng buhay ng mag-asawa.
Naghihintay pa ang pulisya sa resulta ng post-mortem examination upang malaman kung may foul play sa insidente.
Base na rin umano sa pahayag ng helper, nag-uusap lamang ang dalawa at hindi naman umano nakarinig ng komosyon at maya-maya ay bigla nalang nakarinig ng dalawang putok ng baril.
Mayroon pang isang anak ang mga ito ngunit nasa kapitbahay nang mangyari ang insidente.
Binigyang-diin naman ni Lapore ang kahalagahan ng komunikasyon sa pamilya maging sa mga malapit na kaibigan at sabayan ng dasal upang maiwasan ang ganitong trahedya.