TUGUEGARAO CITY – Nilinaw ng PNP Apayao na walang nangyaring ambush sa isang mayoralty candidate sa Conner, Apayao.

Sinabi ni Col. Cesar Puliton, director ng PNP Apayao, nagkaroon lamang ng tutukan ng baril ang mga tauhan ng dalawang mayoralty candidate na sina Mayor Leonardo Dangoy at katunggali na si Vice Mayor Randy Ruel Begtang nang magkasalubong ang kanilang mga convoy.

Dahil dito, sinabi ni Puliton na isang batalyon ng mga pulis at militar ang magbabantay sa Conner upang matiyak ang payapang halalan sa Lunes.

Bukod dito, sinabi niya na muli niyang kakausapin ang dalawang kandidato upang hindi na maulit ang insidente hanggang sa matapos ang botohan.