-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa nagkaroon ng bidding hinggil sa procurement ng bibilhin nilang speed gun kaya hindi pa masabi na overpriced ang nasabing kagamitan.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac aksidenteng nabanggit lamang ng PNP kay Pang. Rodrigo Duterte sa isinagawang command conference sa Malacanang noong January 7, 2020 dahil hiningan sila kung ano ang kanilang mga wish list.

Ang pagbili ng speed gun na may specification na micro digital camera laser system ang nais bilhin ng PNP at hindi ito kagaya ng isang ordinaryong speed gun.

Sinabi ni Banac, in principle inaprubahan ng Pangulo ang nasabing proposal na nagkakahalaga ng P330 million kaya hindi nila ito inasahan.

Ayon kay Banac naipresent kay Pangulong Duterte ang nais na specification ng PNP para sa speed gun pero hindi pa ito dumaan sa proseso ng procurement ng bidding at maging ang presyo nito ay hindi pa final.

Humingi ng paumanhin ang PNP sa Pangulo hinggil sa naging misunderstanding.

Iginagalang din ng PNP ang naging desisyon ng Pang Rodrigo Duterte na si DILG Sec Eduardo Ano na ang mamamahala sa procurement ng mga kagamitan ng PNP.

Kinumpirma ni Banac na naisumite na rin nila kay Sec Ano ang kanilang paliwanag hinggil sa maling presentation na kanilang naipresenta sa Pangulo.