-- Advertisements --

Tuluy-tuloy ang paghahatid ng Department of Health (DOH) ng mga serbisyong medikal sa evacuation centers mula nang manalasa ang habagat at bagyong Crising sa bansa.

Ilan sa mga ibinigay na serbisyo ng DOH sa mga evacuee na sinalanta ng mga kalamidad sa mga rehiyon ay konsultasyon at libreng gamot, pagsigurong malinis at ligtas ang tubig at nagsagawa din ng nutrition assessment sa mga bata at sanggol.

Kahapon, Hulyo 22, personal na binisita ni Health Secretary Ted Herbosa ang evacuation centers sa Marikina na isa sa nakaranas ng matinding pagbaha sa Metro Manila.

Partikular na ang Nangka Elementary School at H. Bautista Elementary School kung saan mahigit 1,100 ang pansamantalang namalagi dito matapos silang ilikas mula sa kanilang mga tahanan.

Nagpaalala naman ang kalihim sa mga evacuee sa iba’t ibang parte ng bansa na protektahan ang sarili laban sa mga sakit na maaaring makuha ngayong may mga kalamidad sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at regular na paghuhugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon.

Nauna naman nang nagdeploy ang DOH ng emergency commodities sa mga lokal na pamahalaan at nakahanda ang ahensiya sakaling mangailangan pa ng karagdagang tulong medikal ang mga evacuee.

Ngayong Miyerkules, Hulyo 23, binisita din ng kalihim ang iba pang evacuation centers sa Zapote Elementary School sa Las Pinas City at Rosario Elementary School sa Pasig City.

Para naman sa mga tulong medikal, maaaring tawagan ang National Emergency hotline na 911 o kaya naman ang DOH emergency hotline na 1555 o local emergency hotline.