Nananatiling nakadeploy ang mga Humanitarian Assistance and Disaster Response team ng Philippine Army sa iba’t-ibang bahagi ng Northern Luzon, upang umalalay sa paglikas sa mga residenteng apektado ng malawakang pag-ulan.
Ayon sa PA, ilang Disaster Rescue and Response Unit (DRRUs) mula sa Philippine Army Major Units (PAMUs) ang ipinadala na sa iba’t-ibang komunidad sa Hilagang Luzon at mananatili rito hanggang tuluyang matigil ang masungit na panahon.
Maliban sa pagsasagawa ng life-saving rescue operations ay naatasan din ang mga ito na tumulong sa mga serye ng relief operations sa mga apektadong komunidad.
Ayon pa sa PA, may kakayahan din ang mga unit na magsagawa ng clearing operations at umalalay sa mga lugar na nakapagrehistro ng landslide, rockslide, at soil collapse.
Dala ng mga nakadeploy na army units ang mga rescue boats, life vest, atbpang kagamitan, kasama ang mga military truck.
Ayon sa PA, ang pag-deploy sa mga kagamitan at units sa iba’t-ibang bahagi ng Hilagang Luzon ay bahagi ng koordinasyon nito sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nangunguna sa unified response ng gobiyerno.