-- Advertisements --

Ikinagalak ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa mga artikulo ng impeachment laban sa kanya bilang unconstitutional.

Ayon sa opisyal na pahayag ng kanyang defense team, ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay nagpapatibay sa kanilang paniniwala na ang ika-apat na reklamong impeachment ay may paglabag sa one-year ban na itinatakda ng Article XI, Section 3(5) ng 1987 Konstitusyon.

Giit nila, ang unanimous decision ay hindi lamang tagumpay para sa Bise Presidente, kundi rin isang pagpapalakas sa rule of law at babala laban sa maling paggamit ng proseso ng impeachment.

Tiniyak ng grupo na handa silang sagutin ang anumang alegasyon sa tamang panahon at sa naaangkop na forum.

Una rito, noong Disyembre 2024, apat na impeachment complaints ang isinampa laban kay VP Duterte. Kabilang sa mga paratang ang graft and corruption, betrayal of public trust, at ang kontrobersyal na pag-amin sa isang assassination plot laban kay Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta, at House Speaker Martin Romualdez.

Ang ika-apat na reklamo ay isinampa noong Pebrero 5, 2025, at inendorso ng 215 miyembro ng House of Representatives, kaya’t naipasa ito sa Senado para sa trial.

Ngunit noong Hunyo 2025, nagdesisyon ang Senado na ibalik ang mga artikulo ng impeachment sa Kamara, sa halip na ituloy ang paglilitis.

Sa huli, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang ika-apat na reklamo dahil sa paglabag sa one-year rule.