Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na kasalukuyan ng ina-assemble at inaayos ang boxing ring sa Rizal Memorial Coliseum na siyang nakatakdang gamitin para sa charity boxing match na ikakasa sa pagitan ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III at Acting Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte sa darating na Linggo, Hulyo 27, 2025.
Una rito naglatag ng kondisyon si ‘Baste’ Duterte na bago tanggapin ang hamon ni Torre ay dapat muna aniyang pakiusapan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang lahat ng elected officials na sumailalim sa isang hair follicle drug test.
‘If you’re really serious about this, kung gusto mo ‘yang charity na ‘yan ang you’ve laid some conditions then let me lay my own conditions…Pakiusapan mo ‘yang amo mo na Presidente and let it come out of his mouth that all elected officials should undergo a hair follicle drug test,’ ani Baste Duterte.
Sa kabila naman nito, puspusan pa rin ang gingawang training ni Torre bilang bahagi ng paghahanda sa kanilang napipintong laban.
Sa unang araw ay sumailalim sa isang boxing training sa PNP Sports Center ang hepe sa tulong ng isang trainer na siyang naging ka-sparring niya sa ring habang naka-10 rounds ng jogging ito sa PNP Oval sa kabila ng masamang panahon at malalakas na pagulan.
Samantala, siniguro ni Torre na kahit hindi sumipot si Mayor Baste sa nakaschedule nilang laban sa Linggo ay sisipot pa rin aniya siya para naman sa pamamahagi ng relief goods sa mga residenteng apekatdo ng mga bagyo at habagat nitong mga nakaraang linggo.