Sinilbihan pa rin ng Philippine National Police (PNP) ng arrest warrant ang mga known addresses ni dating Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co kahit alam ng marami na nasa labas ito ng bansa.
Maging ang 17 opisyal ng DPWH na nasasangkot sa umano’y katiwalian sa flood control projects ay pinaghahanap na rin.
Ipinagtanggol naman ni General Nicolas Torre III ang aksyon ng PNP at iginiit na bahagi ito ng tamang proseso.
Ayon sa kaniya sa exclusive interview ng Bombo Radyo, tungkulin ng pulis na dalhin ang warrant sa mga kilalang tirahan ng mga akusado at magsumite ng ulat sa korte makalipas ang ilang araw.
Ang kaso ay nag-ugat sa mga proyektong imprastruktura na sinasabing “ghost projects” o substandard.
Inihain ng Ombudsman ang kasong graft matapos makakalap ng ebidensya mula sa mga imbestigasyon ng DPWH at Independent Commission for Infrastructure.
Naglabas din ng Hold Departure Order (HDO) ang Sandiganbayan upang matiyak na haharap sa kaso ang mga akusado.
Iginiit ng PNP na walang espesyal na trato at ang lahat ay dadaan sa tamang proseso ng batas.
















