-- Advertisements --

Simula ngayong araw, lahat ng kindergarten learners sa pampublikong paaralan sa buong bansa ay makakatanggap na ng libreng pagkain araw-araw simula ngayong pasukan, ayon yan sa Department of Education (DepEd). Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magiging sakop na ng School-Based Feeding Program (SBFP) ang lahat ng mag-aaral sa kindergarten.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng pinalawak na programa na sugpuin ang malnutrisyon at suportahan ang mabilis na pagkatuto ng mga bata. Naglaan ang pamahalaan ng nasa mahigit 11B para sa programang ito.

Ang programa na ipatutupad sa loob ng 120 araw ng pasukan, ay magbibigay ng hot meals at fortified food products para sa humigit-kumulang 3.4 milyong kindergarten learners at mga severely wasted na mag-aaral mula Grade 1 hanggang 6.

Binigyang-diin ni Angara ang kahalagahan ng tulong mula sa lokal na pamahalaan, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, barangay health workers, at mga magulang para matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng programa.

Pinag-aaralan pa ng ahensya ang posibilidad na isama sa feeding program ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3 sa hinaharap.