Tinawag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kuwestiyonable at walang sapat na batayan ang tinaguriang “Cabral lists” o ang mga umano’y DPWH leaks na iniuugnay sa isang ₱100-milyong infrastructure project na sinasabing konektado kay First Lady Liza Araneta Marcos.
Ayon kay Castro, walang anumang patunay na ang mga dokumentong kumakalat ay tunay na nagmula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang mensahe, sinabi ni Castro na hanggat hindi malinaw at nabeberipika ang mga dokumento mula mismo sa DPWH, hindi itomaaaring bigyan ng anumang kahalagahan.
Dagdag pa ng opisyal, ang naturang mga dokumento ay maituturing lamang na hearsay at posibleng mga gawa-gawa o peke.
Nilinaw rin niya na wala ring makapagsasabi sa ngayon kung ang sinasabing proyekto ay aktuwal na naipatupad.
Tugon ito ni Castro matapos lumabas ang ulat na nagsasabing may dokumentong nakuha umano na naglalaman ng isang ₱100-milyong infrastructure project na nakalista sa ilalim ng Department of Public Works and Highways sa panukalang 2025 National Expenditure Program.
Lumitaw sa dokumento ang kategoryang “OP” na may anotasyong “Care of First Lady Liza Araneta Marcos with request letter from District Representative Faustino Inno Dy.”
Binigyang-diin ni Castro na mahalagang sumunod sa tamang proseso at beripikasyon bago maglabas ng paratang, lalo na kung sangkot ang matataas na opisyal ng pamahalaan.










