-- Advertisements --

Natapos na ni ICI Commissioner Rosanna Fajardo ang kaniyang tungkuling ipinagkatiwala sa kanya kaugnay ng imbestigasyon sa mga proyektong iniimbestigahan ng pamahalaan.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, sa pagbibitiw ni Fajardo.

Ayon kay Gomez, si Fajardo ay kinuha para sa malinaw na financial forensic, layon nito na masusing suriin ang daloy ng pondo na may kaugnayan sa mga proyektong iniimbestigahan at matukoy kung saan napunta ang pondo ng bayan.

Sinabi ni Gomez, ang kumpletong resulta ng pagsusuri ni Fajardo ay magiging bahagi ng mga rekomendasyong isusumite ng ICI sa Office of the Ombudsman.

Ibabahagi ang mga dokumento sa mga concerned government agencies kabilang ang Commission on Audit (COA), upang magpatuloy ang susunod na yugto ng proseso.

Nilinaw ni Gomez na ang papel ni Fajardo ay mula’t simula ay pansamantala at nakatuon lamang sa nasabing mandato. 

Inihayag ni Gomez na sa mga darating na buwan nakatutok na ang ICI sa pagbuo ng pinal na ulat at ipapasa na ito sa Office of the Ombudsman para sa kanilang kaukulang aksiyon.

Nagpasalamat naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Commissioner Fajardo sa kanyang serbisyo at ambag sa pagsisiguro na maayos na napapanagot at nasusubaybayan ang paggamit ng pondo ng bayan. 

Punto ni Gomez, bahagi ito ng mas malawak na adhikain ng administrasyon na gawing mas tapat, mas transparent, at mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan ang pamahalaan.