-- Advertisements --

Muling magsasagawa ng ‘Thanksgiving Procession’ ang Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o kilala bilang simbahan ng Quiapo bago matapos ang taong kasalukuyan.

Hinimok ang mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na makiisa sa darating na ika-30 ng Disyembre para sa paghahanda ng naturang prusisyon.

Madaling araw kasi ng ika-31 ng Disyembre isasagawa ang ‘Thanksgiving Procession’ sa lugar ng Quiapo, lungsod ng Maynila.

Inaasahang dadaluhan ito ng libu-libong mga deboto katulad ng mga nakaraang taon na nakiisa sa naturang gawain.

Inanyayahan ang mga mananampalataya na sama-samang manalangin at magpasalamat sa Panginoon sa buong taon grasya at awang ipinagkaloob.

Batay sa impormasyon ng pamunuaan ng simbahan, magkakaroon muna ng ‘assembly’ sa Dec. 30 at magsisimula ng bandang madaling araw ng ika-31 ng buwan bisperas ng bagong taon.

Habang ngayong araw naman, huling Biyernes ng 2025, dumagsa ang mga deboto o mananampalataya sa simbahan ng Quiapo.

Sa isinagawang pagdiriwang ng banal na misa, hinimok ni Rev. Fr. Jonathan Noel Mojica ang mga dumalo na isabuhay ang tunay na diwa ng Pasko.

Aniya’y hindi lamang dapat sa mismong araw ng Pasko, Biyernes o tuwing Linggo ang pagiging Kristyano kundi dapat makita sa pang-araw araw.

Habang bahagi sa homiliya ni Most Rev. Teodoro Bacani, Jr., D.D, Bishop Emeritus ng Novaliches, kanyang inanyayahan ang mga mananampalataya na magmahal tulad ng Diyos.

Maging mapagpatawad at pagbibigay sarili sa Panginoon bilang mga tagasunod at mananampalatayang Kristiyano.

Ang nabanggit na Thanksgiving Procession ang siyang hudyat sa pagsisimula ng selebrasyon sa simbahan ng Quiapo sa gaganaping Traslacion o Nazareno 2025.