-- Advertisements --

Hihigpitan pa lalo ng PNP ang mga borders sa apat na probinsiya na pumapalibot sa Metro Manila.

Sinabi ni Police Lt. General Guillermo Eleazar, PNP OIC, na naglagay sila ng karagdagang kapulisan sa lahat ng entry at exit points lalo na ang mga maliit na access roads para mas lalong higpitan ang paggalaw sa loob at labas ng “NCR Plus” bubble.

Tanging ang mga authorized persons outside residence o APORs kabilang ang mga nagdedeliver ng essential goods ang papayagang pumasok at lumabas basta may maipakita silang mga ID.

Nakausap na rin aniya nila ang mga chief of police ng iba’ti-ibang lugar na makipag-ugnayan sa mga local government units hanggang barangay level para bumuo ng border control points.
Aminado si Eleazar na maraming mga kapulisan ang naninibago sa ipinapatupad na NCR PLUS bubble.

Nauna ng naglagay ang Joint Task Force COVID Shield ng mga quarantine control points sa boundaries ng Bulacan at Nueva Ecija, boundaries ng Rizal at Quezon province, boundaries ng Laguna, Batangas at Quezon province at boundaries ng Cavite at Batangas.