Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang manhunt laban sa mga akusadong sangkot sa graft at malversation kaugnay ng P289-million flood control project sa Oriental Mindoro, at nagbabala sa publiko na ang pagtulong sa mga ito ay paglabag sa batas at obstruction of justice.
Ayon kay Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., acting chief ng PNP, ang pagbibigay ng kanlungan o tulong sa mga akusado ay mapaparusahan.
Ang pahayag ay kasunod ng pag-aresto sa ilang opisyal ng DPWH habang isinasagawa ang arrest warrant laban sa isa sa mga akusado.
Napag-alamang ang bahay kung saan naaresto ang isang DPWH engineer ay pag-aari kasi ng isang politiko mula sa Mindoro.
Sa ngayon, pitong co-respondents ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co ay nasa kustodiya na ng gobyerno.
Pinayuhan ni Nartatez ang publiko na huwag protektahan ang mga pugante at hikayatin ang mga natitirang suspek na sumuko at harapin ang mga kaso.
Binigyang-diin pa ng PNP na ipagpapatuloy ang operasyon hanggang makasuhan ang lahat ng akusado, at kanilang sinabi na walang special treatment ang ibibigay sa sinuman.
















