Maaga nang pinaghahandaan ng Philippine National Police (PNP) ang Bangsomoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections sa darating na Oktubre ngayong taon.
Ayon kay PNP-Public Informtaion Office Chief Col. Randulf Tuano, nakatulong ang isinagawang pagsasanay sa halos 9,000 mga pulis bilang mga special electoral board (SEB) sa katatapos lang na halalan para sa paghahanda sa parliamentary elections sa BARMM.
Ito ay para mapaghandaan din ang maaaring pag-atras muli ng ilang mga guro bilang mga SEB para sa darating na eleksyon na ito.
Bahagi din ng paghahanda ng PNP ang patuloy na pagsasagawa ng mga post-assessment sa iba’t ibang yunit ng kapulisang itinalaga sa buong bansa para naman sa seguridad na ilalatag sa parliamentary elections.
Nakikita naman ng PNP na mas mabibigyan nila ng pokus ngayon ang magiging halalan sa Oktubre dahil mas makakapagtalaga sila ng mas marami pang tauhan sa bahaging ito ng Mindanao para sa mas maayos na paglalatag ng seguridad sa araw ng eleksyon.
Malaking bagay din aniya na nausog ang araw ng halalan sa BARMM para mas mabibigyang pansin ang rehiyon at mas maipapatupad ang striktong implementasyon ng seguridad at kaayusan para sa araw ng halalan.
Samantala, sa kabuuan naman ay nananatili sa hightened alert status ang PNP hanggang sa matapos ang election period sa Hunyo 11 para matiyak na maipapatupad pa rin ang gun ban.