Isinumite na ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde sa Commission on Elections (Comelec) ang pormal na rekomendasyon na tanggalan ng police escort ang mga pulitikong nasa narco-list.
Pero nilinaw ni Albayalde na ang tatanggalin lang ay ang pulis na nagsisilbing personal na bodyguard ng naturang mga pulitiko at hindi ang nga pulis na naka-deploy sa mga lugar kung saan may aktibidad ang mga kandidato.
Ayon sa PNP Chief, una na nilang inalis noong nakaraang Enero ang lahat ng mga pulis na naka-assign bilang personal na bodyguard ng mga pulitiko, pero merong mga humingi ng exemption dahil sa banta sa kanilang buhay na pinagbigyan ng PNP.
Paliwanag naman ni Albayalde na ang ipinagkaloob na security escort ng PNP sa mga pulitikong ito ay pribilehiyo at hindi karapatan kaya maaari itong tanggalin.
Susunod aniyang tatanggalan ng PNP ng security escort ay ang mga pulitikong nagbabayad ng revolutionary tax at permit to campaign fees sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Ayon naman kay Comelec Chairman Sheriff Abbas, desisisyunan pa ng en banc ang isinumiteng rekomendasyon ni Albayalde.