-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may 5,700 pang flood control projects ang kasalukuyang tinatapos ngayong taon, bukod pa ito sa mga nakalinyang flood control initiatives para sa taong 2026. Kasama dito ang mga river dike, flood walls, drainage systems, at pumping stations.

Tiniyak ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na ang mga proyektong ito ay nakatuon sa pangmatagalang solusyon na makatutulong hindi lang sa kaligtasan ng mga residente, kung hindi pati sa paglago ng ekonomiya at paghahanda ng bansa laban sa sakuna.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Bonoan na bagaman may mga ginagawa pang proyekto para sa baha, nasa 9,856 flood control projects naman ang nakumpleto na mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025 na kasalukuyang ginagamit ngayon. Aniya, malaki ang naitulong ng mga ito sa pagbawas ng pagbaha, lalo na sa mga mababang lugar na dating laging lubog sa tubig.

Samantala, nakikita rin ng kagawaran na kinakailangan nang i-modernize ang mga drainage system sa Metro Manila upang mabawasan ang pinsalang dulot ng malalakas na pag-ulan. Ani Bonoan, bagaman gumagana ang mga pumping station, limitado ang kanilang bisa dahil barado at puno na ng putik ang mga lumang drainage system.

Batay sa huling pagsusuri ng ahensya, tinatayang 70 porsyento ng drainage system sa Metro Manila ay silted o puno na ng sediment. Dahil dito, naghahanda ang kagawaran ng bagong plano para sa mas modernong drainage system, katuwang ang World Bank, upang tugunan ang lumalalang problema sa baha.