BUTUAN CITY – Halos hindi pa makapagsalita ng maayos ang isang 19-anyos na dalaga matapos umano siyang gahasain ng isang habal-habal driver habang pauwi na sana sa kanilang tahanan dito sa lungsod ng Butuan.
Ayon sa ulat, nagtungo ang biktima, na itinago sa pangalang Inday at residente ng Brgy. Pagatpatan, Butuan City, sa barangay hall ng Brgy. Pinamanculan upang humingi ng saklolo matapos umano siyang gahasain ng driver ng sinakyang habal-habal kagabi.
Napag-alamang galing sila ng kanyang mga kaibigan sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte, at nagkahiwa-hiwalay sila, dahilan na napilitan siyang sumakay sa isang nakaparadang habal-habal sa crossing ng poblacion, sa nasabing bayan.
Imbes nga ihatid siya sa kanilang tahanan, dinala umano siya ng suspek sa isang kubo malapit sa National Irrigation Administration (NIA) canal sa Brgy. Pinamanculan at tinakot na papatayin, dahilan kung bakit napilitang ibigay ng biktima ang kanyang puri.
Agad umanong tumakas ang suspek na nakasuot ng pulang t-shirt at itim na maong na shorts, sabay tangay sa kanang iPhone 7.
Batay sa kanyang natatandaan, ang motorsiklo ng suspek ay kulay itim, de-clutch, at may asul na LED light sa ilalim.
Patuloy pang tinutugis ng Butuan City Police Station-3 ang naturang suspek.