-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin si Interior and local Government Secretary Jonvic Remulla matapos umani ng batikos ang mga pabirong post ng Department of Interior and Local Governement (DILG) kaugnay ng anunsyo ng class at work suspensions dahil sa nararanasang sama ng panahon.

Ayon kay Remulla, layunin lang ng kanyang mga pahayag na pagaanin ang pakiramdam ng publiko at hindi upang maliitin ang kanilang pinagdaraanan.

Ang mga naturang post kasi ng DILG ay naglalaman ng mga salitang “Mga abangers…” at pabirong pagbanggit sa pagkain at pagtulog habang hinihintay ang anunsyo ng suspensyon ng klase.

Marami ang hindi ito nagustuhan kabilang ang mga celebrity, lalo na’t may mga namatay na dahil sa sama ng panahon.

Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), 12 katao ang nasawi. Paglilinaw pa ng DILG chief wala raw siyang masamang intensyon sa kanyang mga post.