-- Advertisements --

Matagumpay na nasabat ng pulisya ang P14.7M na halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang magkahiwalay na buy bust operation sa Bohol kung saan apat na suspek ang arestado.

Sa unang operasyon sa lungsod ng Tagbilaran noong Hulyo 19, nagresulta ito sa pagkasabat sa mahigit isang kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P11.2 million pesos at pagkahuli ng mga suspek na kinilalang si Ron Waldo Lazaro, 48 anyos, at Jonas Vinoya, 37 anyos.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PLT Col Norman Nuez, spokesperson ng Bohol Police Provincial Office, sinabi nito na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa mga ilegal na aktibidad ng dalawa kaya isinailalim ang mga ito sa dalawang linggong monitoring at case build up bago inilunsad ang naturang operasyon.

Sinabi pa ni Nuez na dati nang nakulong si Alyas “Ron” ngunit nakalaya habang si Vinoya ay matagal nang minamanmanan ng mga otoridad dahil kabilang umano ito sa listahan ng mga drug personalities.

Pinuri naman nito ang mga kapulisan at sinabing isa umano ito sa “breakthrough” ng kanilang tanggapan upang lalo pang sugpuin ang ganitong klaseng ilegal na kalakalan.

Samantala, sa hiwalay na operasyon naman sa bayan ng Tubigon kahapon, Hulyo 20, humantong ito sa pagkaaresto ng dalawang suspek na may edad 51-anyos at 25 anyos matapos nakuha mula sa posisyon ng mga ito ang P3.5 million pesos na halaga ng droga.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang 4 na suspek at nahaharap sa mga kasong may paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nagbigay naman ito ng babala sa publiko lalo na sa mga tahasang nagtutulak ng mga illegal na droga na hangga’t maaga pa ay itigil na ang mga ilegal na gawain at isuko ang sarili upang hindi na makaperwisyo pa ng iba.