-- Advertisements --

Nasawi sa pananaksak ang isang 74 anyos na lola noong Sabado, Hulyo 19, sa Sitio Tala-tala, Brgy. Napacao bayan ng Siaton Negros Oriental.

Nakilala ang biktima na si Beatriz Pallalios Gajegan at residente ng naturang lugar.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Police Captain Benjamin Fuentes Jr, hepe ng Siaton Municipal Police Station, sinabi nitong minarapat muna nilang hindi ilahad ang detalye at pangalan ng suspek ngunit kaniyang tiniyak na inihahanda na nila ang mga dokumento para sa kasong isasampa laban dito.

Sinabi pa ni Fuentes na batay sa kanilang imbestigasyon, nagkawatak-watak ang mga gamit sa bahay na kubo ng biktima.

Base din umano sa salaysay sa asawa ni Gajegan, wala namang nawawalang gamit at hindi alam kung may natangay na pera.

Dagdag pa niya na naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa natamong tama ng saksak sa kaliwang dibdib.

Sa ngayon, isa pa sa tinitingnan ng pulisya na motibo sa nangyaring krimen ay ang pagnanakaw ng pera.

Paglilinaw din nito na wala sa kanilang kustodiya ang suspek ngunit inihahanda na nila ang mga dokumentong isasampa at posible itong mahaharap sa kasong murder o robbery with homicide.

Panawagan pa nito sa publiko na lalo na ang mga may karagdagang impormasyon na makatulong sa imbestigasyon na dumulog lang sa kanilang tanggapan.