-- Advertisements --

Agad na nagpadala ng hot meals ang tanggapan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez at ang Tingog Party-list para sa mga binahang residente ng Metro Manila kasabay ng kanilang paghahanda para sa isasagawang relief operations sa iba’t ibang lugar.

Sa Barangay Malanday, sa lungsod ng Marikina, umabot sa 989 pamilya o tinatayang 2,400 indibidwal ang lumikas.

Namigay ang mga volunteer ng Tingog, katuwang ang mga lokal na partner, ng mainit na chicken sopas sa mga evacuee.

Sa Quezon City, 766 na pamilya ang tumutuloy sa evacuation center sa Bagong Silangan Elementary School matapos tumaas ang baha sa lugar.

Nagsagawa ng pamamahagi ng mainit na pagkain noong Lunes ng gabi ang tanggapan ni Rep. Romualdez katuwang ang Tingog, si Quezon City Rep. Ralph Tulfo, at Barangay Councilor Jun Quizon.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang hakbang ay patunay ng kanilang pagtutok sa mabilis at localized na pagtugon sa mga sakuna, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo, sunog, o baha.

Samantala, sa Lungsod ng Maynila, nasalanta rin ang 120 pamilya sa Barangay 420, Zone 43, Nagtahan bunsod ng pagbaha at kasabay na insidente ng sunog.

Nagpaabot ng mga tasa ng mainit na lugaw ang Tingog sa mga evacuee, sa tulong ng koordinasyon nina Manila Rep. Giselle Maceda at Barangay Secretary Nimfa Domingo.

Agad na ipinadala ang mga relief team matapos makatanggap ng alerto mula sa mga partner barangay, sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at ng district offices nina Reps. Teodoro, Tulfo, at Maceda.

Hanggang nitong Lunes ng gabi, nananatiling lubog pa rin sa tubig ang maraming lugar sa Metro Manila, habang nananatili ang mga babala ng pagbaha sa iba’t ibang lungsod dahil sa patuloy na malalakas na monsoon rains.

Ayon sa Tingog, marami pang ipamimigay na pagkain at relief packs para sa iba pang apektadong komunidad, lalo na sa mga lugar na tinukoy ng disaster officials na posibleng matagal pang lubog sa baha.