-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nagkasagupaan ang grupo ni Calbayog Mayor Ronald Aquino at ng mga operatiba ng PNP IMEG at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) kung saan anim ang nasawi.


Nasawi sa nasabing labanan ang mismong alkalde ng Calbayog na si Mayor Ronaldo Aquino, ang driver nito na si Dennis Abayon, police escort nito na si PSSg Rodio Sario, isang sibilyan, PSSg Romeo Cobococ ng PDEU at P/Capt Joselito Tabada ang chief of Police ng Gandara Samar at ang team leader ng nasabing operasyon at sugatan naman si PSSg neil Matarum Cebu.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Ildibrandi Usana nagpulong na kanina ang binuong SITG “Aquino” para magsagawa ng case conference para mabatid ang katotohanan sa likod ng madugong enkwentro.

Sinabi ni Usana nagsasagawa ng Red teaming inspection kaugnay sa operational readines ng PNP units sa area ang grupo ng IMEG at PDEU ng mapagkamalang armadong grupo ng grupo ni Mayor Aquino.

Isasailalim sa forensic examination ang lahat ng mga armas na nasangkot sa nasabing enkwentro.

Kinumpirma naman ni Usana na ang grupo ng alkalde ang unang nagpaputok dahilan para mag retaliate ang mga pulis.

Mariin namang itinanggi ng PNP na target ng IMEG at PDEU operation si Mayor Aquino.

Batay sa testimonya ng mga pulis na nasangkot sa enkwentro hindi nila batid na ang sakay ng puting van ay si Calbayog Mayor Ronaldo Aquino, huli na ng malaman na pag-aari ng alkalde ang nasabing sasakyan.

Sa kabilang dako, ayon naman kay PRO-8 spokesperson Col. Bella Rentuaya, magpapa-abot ng tulong ang PNP sa pamilya ng mga nasawing pulis.

Siniguro naman ni Rentuaya na maglalabas sila ng update sa sandaling matapos na ang imbestigasyon ng SITG Aquino.