Nanindigan ang Philippine National Police na hindi ito tatalima sakaling maglabas ng kautusan ang International Criminal Court pahinggil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo kasunod ng naging pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na mayroon umano itong mga nakalap na impormasyon hinggil sa inilabas na arrest warrant ng ICC laban sa dating pangulo.
Ayon kay PCol. Fajardo, hindi nila batid kung saan at anong source ni Roque ngunit malinaw aniya na wala pang natatanggap na anumang impormasyon ang Pambansang Pulisya ukol dito.
Kaugnay nito ay wala pa rin aniyang natatanggap na koordinasyon ang PNP mula sa alinmang ahensya ng pamahalaan ukol dito.
Paliwanag ng opisyal, maaaring maglabas ng warrant of arrest ang ICC laban sa kahit na sino ngunit ibang usapan na aniya ang implementasyon nito.
Giit pa ni PCol. Fajardo, suportado ng buong hanay ng kapulisan ang mga una nang naging pronouncement ng pamahalaan hinggil sa nasabing isyu na nagbibigay diin ng kawalan ng hurisdiksyon ng ICC sa ating bansa kasabay nito ay muli ring iginiit ng PNP na mayroong epektibong sariling judicial system ang Pilipinas.
Matatandaan na umugong ang usapin na ito matapos na maglabas ng video si Roque na hindi umano siya makatulog matapos na makatanggap ng tawag kay dating Pangulong Duterte patungkol sa posibleng pag-aresto sa kaniya anumang oras.
Hindi man nabanggit ang dahilan ng posibleng pag-aresto kay Duterte at maaalala din na dati na siyang inimbestigahan ng ICC nang dahil sa kaniyang madugong war on drugs campaign sa kasagsagan ng kaniyang panunungkulan noon bilang pangulo ng Pilipinas.
Matatandaan din na una nang pinabulaanan ni Armed Forces of the Philippins Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga alegasyong pagbubuwag sa Task Force Davao dahil sa pagiging loyalista nito kay Duterte bilang paghahanda na rin umano sa magiging pag-aresto laban sa kaniya.