-- Advertisements --

Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang halos P6.77 bilyon para bayaran ang natitirang balanse pa sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) ng mga health care at non-health care workers mula 2021 hanggang 2023.

Saklaw ng pondong ito ang 1,411,546 claims mula sa mga lokal na pamahalaan, pribadong ospital, state universities, at iba pang institusyon.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang pagbibigay ng karampatang benepisyo para sa mga health workers na nagsilbi noong pandemya.

Sa kabuuan, umabot na sa P121.3 bilyon ang nailabas ng DBM para sa naturang public emergency benefits at iba pang allowances.

Nanawagan ang DBM sa Department of Health (DOH) na agad ipamahagi ang pondo sa mga benepisyaryo.

Sa panig naman ng DOH, tiniyak ni Health Secretary Ted Herbosa na handa na ang pondo ipamahagi para sa mga kwalipikadong health workers basta’t kumpleto ang kanilang requirements.

Hinimok din ng DOH ang mga lokal na pamahalaan at pribadong ospital na tiyakin ang agarang pagbabayad sa mga health workers sa oras na matanggap ang pondo.