-- Advertisements --

Nag-deploy ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng daan-daang manggagawa ng TUPAD Program upang tumulong sa paglilinis ng mga estero at daluyan ng tubig.

Ito ay bilang bahagi ng pagsisikap para sa flood control o mapahupa ang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Isinagawa ito sa ilalim ng “Bayanihan sa Estero: Malinis na Estero, Pamayanan Protektado” program, kung saan 135 TUPAD workers ang itinalaga upang linisin ang Buli Creek sa Pasig, Catmon Creek sa Malabon, at Hagonoy at Pinagsama Creeks sa Taguig.

Liban dito, 236 TUPAD workers din ang nagtulong sa pagtanggal ng water lilies, damo, at basura sa mga daluyan ng tubig patungong Laguna de Bay.

Ang programa ay pinangungunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, LGUs, NGOs, at pribadong sektor.

Target nitong linisin ang 23 estero na itinuturing na prayoridad dahil sa matinding pagbabara, tambak na basura, at panganib ng madalas na pagbaha.