-- Advertisements --

Pormal nang inilunsad ng Department of Budget and Management ang transparency program ng Marcos Administrasyon.

Sa tulong ng naturang programa, makikita na at masubaybayan ng publiko ang progreso at kalagayan ng iba’t ibang proyekto ng pamahalaan na naglalayong kontrolin ang mga pagbaha sa bansa.

Partikular na inilunsad ang Project DIME na isang digital tracker na binuo at pinamamahalaan ng Department of Budget and Management .

Isa itong makabagong plataporma nagbibigay ng mas malinaw at napapanahong impormasyon tungkol sa mga proyektong ito.

Pinangunahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pormal na paglulunsad ng flood control component ng Project DIME na isinagawa sa Tripa de Gallina Pumping Station, Pasay City.

Ang pagpili sa lokasyong ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng mga pumping station sa pagkontrol ng baha sa Metro Manila.

Ayon kay Secretary Pangandaman, ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay napakalinaw. Ito ay ang siguraduhin na ang mga proyektong pinopondohan ng gobyerno ay agarang maramdaman at makita ang positibong epekto sa buhay ng mga mamamayan sa lalong madaling panahon.

Kabilang sa mga teknolohiyang ginagamit ay ang satellite imagery, drone technology, at geotagging. Sa pamamagitan ng satellite, maaaring makita ang malawakang progreso ng proyekto.

Sakop ng Project DIME ang iba’t ibang uri ng imprastraktura. Kabilang dito ang mga farm-to-market roads na nagpapabuti sa transportasyon ng mga produktong agrikultural, mga proyekto sa railway na nagpapagaan sa paglalakbay, mga sistema ng irigasyon na sumusuporta sa agrikultura, at ngayon, kasama na rin ang mga proyekto para sa flood control.

Ang pagpapalawak ng sakop ng Project DIME sa flood control projects ay nagpapakita ng dedikasyon ng pamahalaan sa paglutas ng problema sa baha.