-- Advertisements --

Inamin ng social media personality na si Jack Argota na peke ang kopya ng medical records ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanyang ibinahagi online.

Humingi rin siya ng paumanhin at sinabing ginaya lamang niya ang iba pang social media personalities na nagbahagi ng kaparehong dokumento.

Nitong Miyerkules, Pebrero 18, humarap mag-isa si Argota sa National Bureau of Investigation (NBI)–Cybercrime Division upang tumugon sa ipinadalang subpoena at ipaliwanag ang insidente.

Ayon kay NBI Director Lito Magno, sumunod si Argota sa ipinadalang subpoena at nagbigay ng kanyang pahayag.

“He honored the subpoena issued to him. Nagbigay naman siya ng statement. Under investigation pa naman ‘yun,” ani Magno.

Nauna nang inanunsyo ng NBI na naghain sila ng cyberlibel complaint laban kina Jay Sonza at Eric Celiz dahil sa umano’y pagpapakalat ng pekeng medical records. Ayon sa ahensya, naihain na ang reklamo sa prosecutor’s office.

Nilinaw naman ni Magno na hiwalay ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso ni Argota.

Samantala, sa isang video na in-upload sa social media, nagpasalamat si Argota kay Magno at sa mga opisyal ng NBI.

“Maraming salamat po, NBI Director Magno, at nauunawaan niyo ‘yung pinaglalaban ko. Pasensya na rin kayo na naabala ko… guys, ang NBI hindi kalaban. Sumusunod lang ‘yan sa utos, kaya ‘wag kayong mag-isip nang masama,” ani Argota.

‘Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa resulta ng pagdinig, ngunit inaasahang magpapatuloy ang imbestigasyon sa mga susunod na araw.